Talambuhay ni Jose P. Rizal

Si Jose P. Rizal (i. 19 Hunyo 1861 — k. 30 Disyembre 1896) na may buong pangalang José Protasio Rizal Mercado y Alonso Realonda, ay ang Pambansang Bayani ng Pilipinas na lumaban sa mga kastila sa pamamagitan ng kaniyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo noong panahon ng pananakop ng Espanya sa bansa. May angking pambihirang talino, siya ay hindi lamang isang manunulat ngunit isa ring magsasaka, manggagamot, siyentipiko, makata, imbentor, iskultor, inhinyero, kuwentista, lingguwista, at may kaalaman sa arkitektura, kartograpiya, ekonomiya, antropolohiya, iktolohiya, etnolohiya, agrikultura, musika (marunong siyang tumugtog ng plawta), sining sa pakikipaglaban (martial arts), at pag-eeskrima.

Jose P. Rizal
Jose P. Rizal

May palayaw na Pepe, si Jose Rizal ay ang ika-pito sa labing-isang anak nina Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro at Teodora Morales Alonso Realonda y Quintos.

Si Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro na kaniyang ang ama, ay kabilang sa ika-apat na henerasyong apo ni Domingo Lam-co, isang Tsinong mangangalakal na naglayag sa Pilipinas mula sa Jinjiang, Quanzhou noong kalagitnaan ng ika-labimpitong siglo. Si Lamco ay nakapag-asawa ng isang Pilipina sa katauhan ni Inez de la Rosa at upang makaiwas sa hostilidad ng mga Espanyol para sa mga Intsik ay pinalitan niya ang kaniyang apelyido ng "Mercado" (pangangalakal).

Ang pangalan namang Rizal ay nagmula sa salitang "Ricial" o kabukiran na ginamit lamang ni Francisco (dahil siya ay isang magsasaka) alinsunod sa kautusan ni Gobernador Narciso Calaveria noong 1849 na magpalit ng mga apelyido ang mga Pilipino. Kalaunan ay ginamit na rin ni Francisco ang Rizal Mercado upang makaiwas sa kalituhan mula sa kaniyang kasamang mangangalakal.

Ang ina naman niyang si Teodora Morales Alonso Realonda y Quintos, ay anak nina Lorenzo Alonzo (isang kapitan ng munisipyo ng Biñan, Laguna, kinatawan ng Laguna sa Kortes ng Espanya, agrimensor, at kasapi ng isang samahan ng mga Katoliko) at ni Brijida de Quintos (na mula sa isang prominenteng pamilya). Ang kanilang apelyido ay pinalitan ng Realonda noong 1849.


Kabataan

Ipinanganak sa Calamba, Laguna si Pepe ay mula sa pamilyang masasabi ring nakaaangat sa buhay dahil sa kanilang hacienda at lupang sakahan. Si Paciano at si Pepe lamang ang mga anak na lalaki sa kanilang labing-isang magkakapatid. Ang kaniyang mga kapatid na babae ay sina Saturnina, Narcisa, Olympia, Lucia, Maria, Josefa, Concepcion, Trinidad at Soledad. Ang pagkahilig sa sining ay ipinamalas niya sa murang edad. Natutunan niya ang alpabeto sa edad na tatlo at limang taong gulang naman nang siya ay mututong bumasa at sumulat. Napahanga niya ang kaniyang mga kamag-anak sa angking pagguhit at paglilok. Walong taong gulang siya nang kanyang isinulat ang tulang "Sa Aking Mga Kababata," na ang paksa ay tungkol sa pagmamahal sa sariling wika (na noon ay Tagalog)


Edukasyon

Ang kaniyang ina ang unang guro ng ating pambansang bayani. Ito ang nagturo sa kaniya ng alpabeto, kagandahang asal, at mga kuwento ("Minsan ay may Isang Gamo-gamo"). Samantala, ang kanyang pormal na edukasyon ay unang ibinigay ni Justiniano Aquino Cruz sa Biñan, Laguna. Pagkatapos noon, siya ay ipinadala sa Maynila upang mag-aral sa Ateneo de Manila University at doon ay tinamo ang Bachelor of Arts noong 1877 (siya ay 16 taong gulang) at nakasama sa siyam na estudyanteng nabigyan ng sobresaliente o namumukod-tanging marka.

Ipinagpatuloy ni Jose ang pag-aaral sa Ateneo upang maging dalubhasa sa pagsusukat ng lupa at pagiging asesor. Natapos siya sa kursong asesor noong 21 Marso 1877 at naipasa ang Lupong Pagsusulit para dito noong 21 Mayo 1878 subalit dahil siya ay 17 taong gulang pa lamang ay hindi siya pinahintulutang magtrabaho bilang asesor hanggang 30 Disyembre 1881. Noong 1878, pumasok siya sa Unibersidad ng Santo Tomas upang mag-aral ng medisina ngunit dito ay naranasan niya ang diskriminasyon mula sa mga paring Dominikano. Ipinasya niyang ipagpatuloy ang pag-aaral ng medisina at pilosopiya sa Universidad Central de Madrid sa Espanya ng sa kaalaman ng kaniyang mga magulang. Noong 21 Hunyo 1884, sa edad na 23, iginawad sa kanya ang Lisensiya sa Medisina at noong 19 Hunyo 1885, sa edad na 24, ay natapos din niya ang kurso sa Pilosopiya na may markang ekselente.

Siya ay nagsanay ng medisina sa Hospital de San Carlos ngunit itinigil niya ito upang mag-aral ng optalmohiya sa Paris sa ilalim ng pagtuturo ni Dr. Weckert at sa Aleman sa ilalim ni Dr. Otto Becker. Ginawa niya ito sapagkat noong panahong iyon ay malala na ang sakit sa mga mata ng kaniyang ina. Sa Berlin, siya ay naging kasapi ng Berlin Ethnological Society at Berlin Anthropological Society sa ilalim ng pamunuan ng pamosong patolohistang si Rudolf Virchow.

Rizal, Del Pilar, Luna
Rizal, Del Pilar, Luna

Kay Rizal ang isa sa mga pinakadokumentadong buhay noong ika-labingsiyam na siglo dahil sa mga tala tungkol sa kaniya (ang ilan sa mga ito ay sa tala-arawan niya mismo nanggaling), kahit pa nahirapan ang mga manunulat na gumawa ng kaniyang talambuhay dahil sa paggamit niya ng iba't ibang lengguwahe. Karamihan sa mga tala ay hinango mula sa kaniyang paglalakbay bilang isang batang Asyanong namumulat sa kultura ng Kanluran. Kasama rin dito ang kaniyang paglalakbay sa Europa, Hapon, Estados Unidos, at sa Hongkong kabilang na rin ang mga babaeng naging bahagi ng kaniyang buhay.

Habang nasa Europa, naging bahagi si José Rizal ng Kilusang Propaganda, na kumukunekta sa ibang mga Pilipino na nagnanais ng reporma. Isinulat din niya ang kanyang unang nobela, ang Noli Me Tangere (Touch Me Not / The Social Cancer), isang aklat tungkol sa madilim na aspeto ng kolonyal na paghahari ng Espanya sa Pilipinas, partikular na pinagtuonan dito ang papel ng mga Katolikong prayle. Ang libro ay ipinagbawal sa Pilipinas, bagaman maraming kopya ang nakapasok sa bansa. Dahil sa nobelang ito, naging tudlaan siya ng pulisya dahilan upang ang kanyang pagbabalik sa Pilipinas noong 1887 ay mapaikli.

Nagbalik si Rizal sa Europa at patuloy na nagsulat. Sa panahong ito ay inilabas niya ang kanyang sumunod na nobela, ang El Filibusterismo (Ang Paghahari ng Kasakiman) noong 1891. Naglathala din siya ng mga artikulo sa La Solidaridad, isang pahayagan na nakahanay sa layunin ng Propaganda. Sa mga reporma na itinaguyod ni Rizal ay hindi kasama ang kalayaan ng Pilipinas sa Espanya. Siya ay nanawagan para sa pantay na pagtrato sa mga Pilipino, sa paglilimita sa kapangyarihan ng mga Kastilang Espanyol at representasyon para sa Pilipinas sa korte ng Espanya.

Nagbalik si Rizal sa Pilipinas noong 1892 dahil nararamdaman niya na kailangan siya ng bansa para sa pagbabago. Kahit na itinatag niya ang La Liga Filipina, suportado ni Rizal ang di-marahas na aksyon. Ngunit hindi ito sapat dahil naniniwala ang mga Espanyol na isa siyang malaking banta dahilan upang ipinatapon siya sa Dapitan, sa isla ng Mindanao.

Noong 1895, hiniling ni Rizal na magpunta sa Cuba bilang isang hukbong doktor. Ang kanyang kahilingan ay naaprubahan, ngunit noong Agosto 1896, ang Katipunan, isang nasyonalistang lipunang Pilipino na itinatag ni Andres Bonifacio, ay nagrebolusyon. Bagaman wala siyang kaugnayan sa grupo, at hindi niya aprubado ang marahas na pamamaraan, si Rizal ay inaresto at ikinulong.

Matapos ang isang paglilitis, si Rizal ay nahatulan ng sedisyon at sinentensiyahan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad. Isinagawa ang pampublikong pagpatay kay Rizal sa Maynila noong Disyembre 30, 1896, noong siya ay 35 taong gulang. Ang kanyang kamatayan ay nagbunsod ng higit pang mga pagsalungat sa mga panuntunan ng Espanya at naging hakbang upang makamit ng Pilipinas ang kalayaan mula sa mga Espanyol noong 1898.

Mga Bayani ng Pilipinas

Comments