Talambuhay ni Heneral Antonio Luna

Si Antonio Luna de San Pedro y Novicio-Ancheta ay isinilang noong Oktubre 29, 1866, sa distrito ng Binondo ng Maynila, ang ikapitong anak ni Laureana Novicio-Ancheta, isang Spanish mestiza, at Joaquin Luna de San Pedro, isang tindero. Si Antonio Luna ay isang magaling na estudyante na tinuruan ng isang guro na tinatawag na "Maestro Intong" mula sa edad na anim at nakatanggap ng Bachelor of Arts mula sa Ateneo Municipal de Manila noong 1881 bago nagpatuloy sa kanyang pag-aaral sa kimika, musika, at literatura sa Unibersidad ng Santo Tomas.


Antonio Luna
Antonio Luna

Noong 1890, naglakbay si Antonio sa Espanya upang sumama sa kanyang kapatid na si Juan, na nag-aaral ng pagpipinta sa Madrid. Doon, nakuha ni Antonio ang isang licentiate sa parmasya sa Universidad de Barcelona, ​​na sinusundan ng isang doctorate mula sa Universidad Central de Madrid. Nagpatuloy siya sa pag-aaral ng bacteriology at histology sa Pasteur Institute sa Paris at pumunta sa Belgium upang paunlarin ang mga hangarin na iyon. Habang nasa Espanya, inilathala ni Luna ang isang papel sa malarya na mahusay na tinanggap ng marami, kaya noong 1894 inatasan siya ng pamahalaan ng Espanya sa isang posisyon bilang isang espesyalista sa karamdaman at tropikal na mga sakit

Sa parehong taon, bumalik si Antonio Luna sa Pilipinas kung saan siya naging chief chemist ng Municipal Laboratory sa Manila. Siya at ang kanyang kapatid na si Juan ay nagtatag ng isang fencing society na tinatawag na Sala de Armas sa kabisera. Habang naroon, nilapitan ang magkapatid tungkol sa pagsali sa Katipunan, isang rebolusyonaryong organisasyon na itinatag ni Andres Bonifacio bilang tugon pagpapalayas kay Jose Rizal noong 1982, ngunit ang dalawang Luna ay tumangging sumali - sa yugtong iyon, naniniwala sila sa isang unti-unting reporma sa sistema sa halip na isang marahas na rebolusyon laban sa kolonyal na paghahari ng Espanya.

Kahit na hindi sila miyembro ng Katipunan, sina Antonio, Juan, at kanilang kapatid na si Jose ay inaresto at nabilanggo noong Agosto 1896 nang malaman ng mga Espanyol ang tungkol sa organisasyon. Ang mga kapatid niya ay sumailalim sa interogasyon at pinalaya, ngunit si Antonio ay ipinatapon sa Espanya at nabilanggo sa Carcel Modelo de Madrid. Si Juan, sa panahong ito ay isang sikat na pintor, ay ginamit ang kanyang mga koneksyon sa pamilya ng hari ng Espanya upang mapalaya si Antonio noong 1897.

Matapos ang kanyang pagkakatapon at pagkabilanggo, nagbago ang pananaw ni Antonio Luna tungo sa kolonyal na paghahari ng Espanya - dahil sa di-makatwirang turing sa kanya at sa kanyang mga kapatid at sa parusang kamatayan sa kanyang kaibigan na si Jose Rizal noong nakaraang Disyembre, si Luna ay handa nang mag-armas laban sa Espanya.

Sa kanyang pangkaraniwang akademikong paraan, nagpasya si Luna na mag-aral ng mga taktika ng pakikidigmang gerilya, organisasyon ng militar, at field fortification sa ilalim ng bantog na Belgian military educator na si Gerard Leman bago siya naglayag patungong Hong Kong. Doon, nakilala niya ang rebolusyonaryong leader-in-exile na si Emilio Aguinaldo at noong Hulyo ng 1898, bumalik si Luna sa Pilipinas para muling makipaglaban.


Heneral Luna

Nang patapos na ang Digmaang Espanyol-Amerikano, at ang natalong mga Espanyol ay naghandang umalis sa Pilipinas, pinalibutan ng mga rebolusyonaryong tropa ng Pilipino ang kabiserang lungsod ng Maynila. Ang bagong dating na si Antonio Luna ay hinimok ang iba pang mga kumander na magpadala ng mga tropa sa lungsod upang matiyak ang magkasanib na pag-okupa sa pagdating ng mga Amerikano. Ngunit tumanggi si Emilio Aguinaldo, naniniwala siya na ang mga opisyal ng hukbong militar ng US na nasa Manila Bay ay ibabalik ang kapangyarihan sa mga Pilipino sa tamang proseso.

Si Luna ay nagreklamo nang labis tungkol sa estratehikong pagkakamali na ito, pati na rin ang hindi maayos na pag-uugali ng mga tropang Amerikano nang makarating sila sa Maynila noong kalagitnaan ng Agosto ng 1898. Upang mapangalagaan si Luna, itinaas ni Aguinaldo ang kanyang katungkulan bilang Brigadier General noong Setyembre 26, 1898, at pinangalanan siya bilang Chief of War Operations.

Si Heneral Luna ay nagpatuloy sa kampanya para sa mas mahusay na disiplinang militar, organisasyon at diskarte laban sa mga Amerikano, na sa panahong iyon ay nagtatakda sa kanilang mga sarili bilang bagong mga kolonyal na pinuno. Kasama ni Apolinario Mabini, binalaan ni Antonio Luna si Aguinaldo na ang mga Amerikano ay hindi tila gustong palayain ang Pilipinas.

Nadama ni Heneral Luna ang pangangailangan para sa isang akademya militar upang maayos na sanayin ang mga tropang Pilipino, na sabik at sa maraming mga kaso ay may karanasan sa pakikidigmang gerilya ngunit may maliit na pormal na pagsasanay sa militar. Noong Oktubre ng 1898, itinatag ni Luna ang ngayon ay Philippine Military Academy, na nasa kalahating taon pa lamang nang sumiklab ang Digmaang Pilipino-Amerikano noong Pebrero ng 1899 at ang mga klase ay nasuspindi upang ang kawani at mga estudyante ay makakasama sa digmaan.


Ang Digmaang Pilipino-Amerikano

Pinangunahan ni Heneral Luna ang tatlong grupo ng mga sundalo upang salakayin ang mga Amerikano sa La Loma kung saan ang mga Pilipino ay nakaranas ng matinding kasawian. Ang mga counterattacks ng mga Pilipino noong Pebrero 23 ay nagkamit ng ilang tagumpay ngunit bumagsak ang mga ito nang ang mga tropa mula sa Cavite ay tumangging sundin si Heneral Luna, na nagsasabing si Aguinaldo lamang ang dapat nilang sundin. Galit na galit, inalisan ni Luna ng armas ang mga sundalo dahilan upang mapilitan siyang umurong sa mga labanan.

Pagkatapos ng ilang masasamang karanasan sa mga hindi-disiplinado at kakaibang pwersang Pilipino, isinumite ng isang bigong Heneral Luna ang kanyang pagbibitiw, na mabigat sa loob na tinanggap ni Aguinaldo. Sa sumunod na tatlong linggo, ang digmaan ay naging masama para sa Pilipinas kaya't hinikayat muli ni Aguinaldo si Luna na bumalik at ginawa siyang Commander-in-Chief.

Si Luna ay bumuo at nagpatupad ng isang plano upang mapigilan ang mga Amerikano at magkaroon ng sapat na panahon upang makapagtayo ng baseng gerilya sa mga bundok. Ang plano ay binubuo ng mga patibong gamit ang mga kawayan at mga hukay na puno ng makamandag na ahas na inilatag sa buong kagubatan. Ang mga tropang Pilipino ay maaaring magpaputok sa mga Amerikano mula sa Luna Defense Line na ito, at pagkatapos ay unti-unting uurong sa gubat nang hindi nailalantad ang kanilang mga sarili sa atake ng Amerika.


Sa mga huling araw ng Mayo, nagbabala ang kapatid ni Heneral Luna na si Joaquin, isang koronel sa rebolusyonaryong hukbo, na ang ilang mga opisyal ay nakikipagsabwatan upang patayin siya. Inutusan ni Heneral Luna na marami sa mga opisyal na ito ang disiplinahin, arestuhin, o e-disarma dahilan upang labis na nagalit ang mga ito sa kanyang matibay at awtoritaryan na estilo. Gayunpaman, ipinagwalang-bahala ni Heneral Luna ang babalang ito ng kanyang kapatid dahil sa katiyakang hindi pahihintulutan ni Pangulong Aguinaldo ang sinuman na patayin ang Commander-in-Chief ng hukbo.

Nakatanggap si Heneral Luna ng dalawang magkasalungat na telegrama noong Hunyo 2, 1899. Ang una ay nagsasabi sa kanya na sumali sa isang counterattack laban sa mga Amerikano sa San Fernando, Pampanga at ang pangalawa ay mula kay Aguinaldo, na nag-uutos kay Luna na pumunta sa bagong kapital sa Cabanatuan, Nueva Ecija, kung saan ang rebolusyonaryong gobyerno ng Pilipinas ay bumubuo ng isang bagong gabinete.

Dahil may ambisyon na mapangalanan bilang Punong Ministro, nagpasya si Luna na pumunta sa Nueva Ecija kasama ang kawalerya ng dalampung limang katao. Gayunpaman, dahil sa kahirapan sa transportasyon, dumating si Luna sa Nueva Ecija kasama lamang ang dalawang iba pang mga opisyal, sina Colonel Roman at Captain Rusca, at ang ibang mga tropa na napaiwan.

Noong Hunyo 5, nag-iisa si Luna sa punong tanggapan ng gobyerno upang makipag-usap kay Pangulong Aguinaldo, ngunit doon ay nakausap niya sa halip ang isa sa kanyang mga dating kaaway- isang lalaki na dating tinanggalan niya ng armas dahil sa kaduwagan, na nagsabi sa kanya na ang pagpupulong ay nakansela at si Aguinaldo ay umalis ng bayan. Galit, nagsimulang maglakad palabas si Luna nang makarinig siya ng putok ng baril.

Tumakbo si Luna sa hagdan, kung saan nakasalubong niya ang isa sa mga opisyal ng Cavite na pinawalang-saysay niya dahil sa insubordination. Tinamaan ng opisyal si Luna sa ulo gamit ang kanyang bolo at di-kalaunan ay sumama pa ang ibang mga tropa ng Cavite upang saksakin ang Heneral. Inilabas ni Luna ang kanyang baril upang magpaputok ngunit hindi niya natamaan ang mga sumalakay sa kanya.

Gayunman, lumaban siya sa plaza, kung saan tumakbo si Roman at Rusca upang tulungan siya, ngunit pinatay si Roman at malubhang napinsala si Rusca. Inabanduna at nag-iisa, duguang nakahandusay si Luna sa sahig ng plaza kung saan binigkas niya ang kanyang mga huling salita: "Mga duwag! Mamamatay-tao!". Namatay siya sa edad na 32 taong gulang.


Epekto sa Digmaan

Nang patayin ng mga guwardiya ni Aguinaldo ang kanyang pinakamagagaling na heneral, ang pangulo mismo ang lumusob sa punong tanggapan ni General Venacio Concepcion, isang kaalyado ng pinatay na heneral. Pagkatapos ay tinanggal ni Aguinaldo ang mga opisyal at tao ni Luna mula sa Philippine Army.

Para sa mga Amerikano, ang madugong labanan na ito ay isang regalo. Sinabi ni Heneral James F. Bell na si Luna "ang tanging heneral na mayroon ang hukbong Pilipino" at ang mga pwersa ni Aguinaldo ay nakaranas ng sunod-sunod na pagkatalo matapos ang pagkamatay ni Antonio Luna. Ginugol ni Aguinaldo ang halos lahat ng susunod na 18 na buwan sa pag-urong, bago siya nahuli ng mga Amerikano noong Marso 23, 1901.

Mga Bayani ng Pilipinas

Comments